Cordillera Fighting Arts is Filipino ?

 

Cordillera Fighting Arts is FMA?

 

     Taong 2019 bago lumaganap ang sindak ng COVID 19 Pandemic, ang ilan sa mga practitioners ng Filipino Martial Arts (FMA) ay nagisismula ng gumamit ng mga head-axe ng Kalinga, gayundin ay may mga practitioners na sinisimulan gumawa ng replica ng Kala-sag.

Sabi ko, teka, may ipapauso na naman ang mga ito ah. At ipangangalandakan na ang head-axe particular ang sa Kalinga ay gamit sa FMA.

 

                                   Source: Andrea Bugnosen and the Kanunu Kanu Community Film

Itong sanaysay na ito ay isinulat ko sa wikang Filipino, saka na muna yun English, lagi na lang banyagang salita ang gagamitin para magsulat, mahirap naman lagi tayong mag-express ng ating pananaw sa wikang banyaga na ang kalalabasan ay mas sila pa ang makakaunawa kaysa sa mga kapwa nating Pinoy.

Balik tayo, sa tagal na rin ng pagsasaliksik at pagsasanay na ginawa namin para icodify ang mga paraan ng mga natititrang Mengor sa Cordillera sa kanilang paraan ng pakikidigma ay hayaan nyo akong magbigay ng konting panilip sa mambabasa kung ano nga ba ang tinatawag na Cordilleran Fighting Arts.

Mengor

Ang Mengor ay isa sa mga maraming magkakatunog na pananalita ng mga Cordilleran at ng Ybanag patungkol sa isang mandirigma ng isang ili o typical na pamayanan ng mga katutubong ito. Ang bawat isang lalaking nasa wastong pangangatawan at gulang ay inaasahang maging isang mengor ng kanilang ili (tawag sa katutubong pamayanan).

Sila ang nakatalagang magiging mga hunters o mangungubat para may kakainin ang ili, sila rin ang typical na gumaganap sa gawaing panglalaki, (opps sorry po kulang ng gender sensitivity) tulad ng pagssasaka, pagtatayo ng kubol, at iba pa. Sila rin ang nagsisislbing tagapagtanggol ng ili kung kinakailangan, sila rin ang gaganap sa pangangayaw o paghuhunting ng dapat kunan ng ulo.


Batek

Ang batek o tattoo ay di karaniwang marka sa katawan, may batek na pangbabae at panglalaki, karaniwan sa mga lalaki ay may batek na sumasagisag sa kanilang pakikidigma o tagumpay na pangangayaw, mas maraming batek, mas bihasa at kinakatakutan sa pakikidigma o pangangayaw. Di ko na ikukwento ang dahilan at paraan ng head-taking, secret, he he.


                                    With the living Mengor, after verifying and getting his approval for our codification

 Pagsasanay

         Ang mga magiging mengor ay sinasanay sa paghuhunting, kailangan masanay sa paghanap, paghabol, pagtrap, pagpatay, at pagkatay. Walang standard na pagsasanay, walang ano ang dapat una at huli, walang ABC ng training.

Ang bawat isa ay binabahaginan ng karanasan ng kanilang ama o ng kaibigan sa paraan kung paano mangungubat at gayundin sa pangangayaw. Walang maestro-style of teaching tulad ng FMA na sinasabi ng iba na “anak sa labas” ng European martial arts. Lahat ng pagsasanay ay bahagi ng pang-araw-araw na gawain at tasking bilang lalaki. Ang pagsasanay ay magsisimula mula bata hanggang sa paglaki.


Mga Sandata

Ang mga kalalakihan mangangayaw ay may ibat’ibang kagamitan, kasama ang karunungan sa topograpiya ng lugar, mga kasabihan sa paglalakbay (tulad ng mga palatandaan ng tagumpay o pagkatalo), paghahanda ng mga traps, pagrereserve ng mga tagong sandata sa daanan, ritual sa pagsisimula at ritual sa pagtatapos ng ng pangangayaw.

 

                                                              Footage from our Pangayaw practice

Ang mga karaniwang sandata ay, teka English ko nalang tatawagin, baka magamit pa ang katutubong salita namin ng mga oportunista sa martial arts; spear, head-axe, shield, arm-pikes, bolo, at iba pa. Ang pangunahing sandata ay spear and shield, ang head-axe at bolo ay pang close-quarter, at pangkuha ng ulo ng kalaban. Ang kalasag ay pdeng gamiting sandata ng ito lang mismo, pde rin itong floater kung tatawid ng ilog.


 Ang Cordilleran ba ay Filipino

    OO, Filipino in the sense ng political identity, pero di tulad ng mga tinatawag naming ‘conquered’ o mga tagapatag na Filipino na culturally ay Hispanized then later na-Americanized. Sa madaling salita historically ang Cordilleran, lahat ng iba’t ibang ili nito ay hindi Filipino in the sense. Dahil iba ang naging social evolution ng mga conquered at christianized natives, kaiba sa mga di nasakop ng dayuhan tulad ng mga ygolod, Lumad, at Moros.

Ang kitang kitang pangmamaliit sa mga katutubo ay tanda ng ganitong magkaibang historical evolution ng nasakop at di-nasakop na mga pamayanan sa bansa. Ang mga nasakop ay karaniwang minamaliit at pinagtatawanan ang mga katutubong di-nasakop.

Kaya nga mismo ang mga reds na Maoista ay isinuka ng Cordillera dahil sinisira nito ang katutubong paniniwala, tradisyon, at gawain noong panahon ni Ka Ambo (Fr. Conrado Balweg), dahil di nila naintindihan ang dinamisno ng socio-cultural na katangian ng Cordilleran, at ito’y pilit nilang sisinira dahil taliwas sa kanilang DHM o Dialectical-Historical Materialism na foundation philosophy ng Marxismo.

OO ang mga Ygolod or people from the mountains ay Filipino, pero never naging FMA ang aming paraan ng pakikidigma. Yes may arnis/escrima na sa ilang public school sa Cordillera pero dala ito ng mga FMAers sa Manila at dahil sa DepEd. Kaya nayamot din ang ilang kasama nang may isang Cordilleran na nagwagi sa competition ng arnis sa Maynila, at ipinagmalaki na “ang arnis ang ginamit ng mga katutubong Cordilleran laban sa banyaga (sic).” Ang sa totoo ay ito ang ginamit ng mga kakampi ng dayuhan, ang mga Filipino o tagapatag para pilit kaming sakupin.

 Malaki ang pagkakaiba ng Cordilleran Fighting Arts sa Filipino Martial Arts. Narito ang mga puntos kung bakit: 

1.      Walang halong galaw ng pananandata ng Espanyol, karaniwan sa anumang istilo o sistema ng arnis/escrima ay kakikitaan ng katangiang hango sa esgrima comun ng mananakop. Anuman sa uri nito ay may salitang hango sa Espanyol. Ang sa Cordillera ay wala, walang abanico, rompida, at iba pang termino. Wala rin numeradong galaw ang sa katutubo. Ang bawat galaw ay kaayon sa galaw ng ‘hunting packs.’ 

Di tulad ng mga tagapatag na ‘conquered’ sa Tagalog, Ilokano, mga Bisayas na kitang kita ang impluwensya ng Kastila. At ang karaniwan sa paraan ay para sa individual na duelo o pakikitunggali. 

2.      Walang master-student realationship sa paraan ng pagtuturo, ang pagtuturo sa magiging mengor ay sa pamamagitan ng kanyang pakikisalamuha sa mga larong bata, sa mga ritwal, at kung sa nasa wastong edad ay ang pangngaso; dito ay maaaring magbahagi ng kahusayan at kaalaman ang kanyang kamag-anak o kaibigan. 

3.      Hindi ‘stick-based’ ang galaw, wala kang matatagpuan ng sining ng pakikilaban gamit ang pamalo, ang pamalo ay gagamitin lamang kung walang ibang hawak na sandata at ito’y gagamitin sa simpleng pamamaraan. Walang carenza, walang flow drills, at iba pang fancy na galaw. 

Sa Cordillera ay may kanya kanyang porma ng sandata, bagamat may commonality ang mga ito. Iba ang anyo ng head-axe ng Kalinga kaysa sa mg Bontoc at Ifugao, gayundin sa kanilang anyo ng kala-sag. 

4.      Ang kasanayan ng pakikidigma ay para sa kapakanan ng ili/pamayanan na kaiba sa FMA na ang kasanayan ay para sa ‘civilian self-defense.’

 

Pagpapanatili at Pagpapatuloy

               Ang mga nabanggit ay batay sa pagsasalaysay ng aming mga Mengor at Pangat, iba na ang panahon, ang karamihan sa mga kabataan ay Westernized na rin, lalu na sa Benguet na mas naunang ma-Americanized kumpara sa mga tagapatag. Mas marami nang Kabataang Ygolod ang nahuhumaling sa mga foreign martial arts, bagamat ganuon, kitang kita parin ang galaw nila bilang mga lahi ng mandirigma.

Tinawag ang mga Cordilleran kung anong ili sila galing, o kaya ay pinangalanan ayon sa lugar tulad ng Baguio mula sa salitang Bag-iw o hamog. Ang ili ng Butbot, Lubuagan, at iba pa ay tinawag na Kalinga mula sa salitang Ybanag ng Cagayan na ang ibig sabihin ay ‘kaaway (sic).”


                                               Gamaba and Pangat Alonzo ‘Tatay’ Saclag demonstrating fight maneuvers

 Source: Casa Duende Production

     Ang aming Samahan ng mga karamihang purong Cordilleran at ilang mestizong Cordilleran ay matagal ng nagsaliksik sa mga paraan ng pakikipaglaban gamit ang katutubong sandata at estratihiya, may mga ilan na ayaw talagang ilantad ito sa hindi Cordilleran, bakit kamo, ito ang isa sa mga huling alas namin. Ito ay tinawag naming YNORDIS, mula sa kahulugang “mula sa Norte.”

Ang sanaysay na ito ay isinulat upang ipasilip lamang ang ilang katangian ng Cordilleran Fighting Arts, at paumanhin po wala po akong ginamit na references lalu na sa sinulat ng banyaga, dahil itong mga nabanggit ay tunay na mula sa pakikipamuhay sa mga taga ili namin. Ang aming iginigiit na galangin at wag gamitin ang paraan ng pakikidigma ng Cordillera para lang sumagana ang interest ng ilang FMAers sa ibang bansa. GAWIS

 

Joel Anajao y Daddon

Awichon, Kalinga

July 2020

 

Pasasalamat kay:

 

Gamaba Alonzo Saclag

Rebecca Saclag

Vice-Mayor Jun Saclag

Andrea Bugnosen

Johnray Wandag

Jim Libiran

Eloisa Francia

Mark Laccay

Florentino Aquino

Chona Enriquez

Ivan Rey Gabrentina

 

Comments

Popular posts from this blog

Duelo and Filipino Martial Arts

Philippine Mountaineering of 80s and 90s

Arnis de Mano: Laro ng mga Maginoo