Innovation in Arnis Sparring Sticks

 

         Isa sa mga katangian ng sports arnis ay ang paggamit ng padded sticks, ito ay isang gamit sa paglalaban na isang pamalo na padded, karaniwang gawa sa manipis na rattan stick na ipinasok sa isang synthetic na material upang magsilbing cushion, at binalutan ng synthetic na tela. Ito ang innovation sa arnis na nagsimula ng isang uri ng pagsasanay ng arnis, ang Sports Arnis.


Bakit at paano nga ba napasimulan ang pagkakaroon ng padded sticks? Ang pinaka dahilan, ang gawin sports ang arnis na martial art ng mga Pilipino na gumagamit ng pamalo, patalim, at empty hands. Ang arnis ay nagsimulang maging opisyal na inintroduce sa public noong 1970s kung saan ang pamahalaan ay kinailangan ng mga kulturang Pilipino na magagamit sa pagbuo ng isang konsepto ng nasyonalismong Pilipino, kailangan ang anumang katutubong uri at anyo ng kultura mula sa ibat ibang lugar ng bansa na magsisimbolo sa mga pambansang katangian ng bansang Pilipinas. At ang arnis ay isang martial art na sasagisig sa kulturang Pilipino. Ito ay nagsimulang ituro sa mga martial arts club sa mga syudad at maging sa mga pampublikong institusyon gaya ng sa mga pampublikong paaralan at security forces ng bansa.

Ang arnis ay isang martial art na nagpapakita ng katangian ng paglalaban gamit ang pamalo, ngunit sa isang konteksto ng pag-aaral ng martial art, ang labanan gamit ang pamalo ay lubhang delikado na maaaring ikabalda o ikamatay ninuman na makikipaglaban gamit ito. Kayat ang pangangailangan ng mga kasangkapan sa pagsasanay ng arnis ng mga protective gears. Ang Kendo, na Japanese fencing na gumagamit ang mga manlalaro nito ng mga protective gears o Bogu, at shinai o bamboo sword ay nagbigay ng inspiration sa mga tao na nanguna sa pag-introduce ng freestyle sparring sa arnis kung paano mabubuo ang kasalukuyang padded sticks at protective gears sa sports arnis.

 

Traditional Arnis Walang Baluti

             Ang traditional arnis, ang anyo ng pagsasanay ng arnis na nababatay sa mga paraan ng pagtuturo at pagsasanay ng arnis ng kilalang maestro. Sa ganitong uri ng pagsasanay ang tipikal na paraan ay ang muestracion o demonstration ng skill ng maestro na gagayahin ng kanyang mag-aaral. May ilang maestro na may abecedario or basics muna ang gagawin bago umusad sa sunod na level ng pagsasanay. May ilang paired drills o sangga-patama kung saan may nakatalagang attacker at defender, ang pagsasanay ay may theme or set. May ilang traditional style din na may freesparring sa paraan ng larong malayuan o largo mano. Ngunit walang todo juego na maaring magresultang fatal sa magsasagawa nito. Isang totoong halimbawa nito ay ang arnis sa lalawigan ng Laguna gaya ng sa Luban, Paete, Pakil, at Magdalena.

 


Paete Arnis using real rattan sticks in free sparring

Pagsisimula ng Freestyle Sparring sa Arnis

             Sa kadahilanang walang protective gears sa mga naunang dekada ng popularization ng arnis upang magsagawa ng freestyle sparring o isang uri ng labanan na malayang gagamitin ng manlalaro ang kanilang karunungan sa pagatake at defense laban sa sparring partner na nagreresist at lumaban, karamihan uri ng sparring practices ay nauuwi sa one-step pre-arranged sparring demonstration o sa pagdevelop ng mga flow drills. Ang one-step pre-arranged sparring o yun may nakatalagang attacker at kung ano ang attack na idedeliver nya ay ikacounter ng defender kung ano ang itunuro sa kanya, at ang paired flow drills ay malayo sa tunay na labanan, kayat ang mga nagsasanay ng arnis ay may feeling na kulang ang one-step pre-arranged sparring at paired flow drills.

                                       Pre-arranged Sparring is common among early arnis practices

Tandaan natin sa dekada ng 70s ay nagsisimula ng magkaroon ng mga innovation sa mga kilalang martial arts noon gaya ng karate at taekwondo sa Pilipinas. Ang trend na ito ay kabilang ang grupo ng arnis, sa particular, ang grupo ng Modern Arnis na silang pioneer sa introduction ng arnis sa maraming educational institutions sa bansa. Si GM Ernesto Presas ay isa sa mga mahahalagang personlidad sa arnis na may malaking kontribusyon sa pagkakaroon ng padded stick, siya ay multi-martial arts practitioner ay may kaalaman sa Kendo, at mismo sa kanyang ARJUKEN club ay may ilang sets ng Kendo Bogu. May pagtatangka na magsagawa ng freestyle sparring ng arnis gamit ang Kendo Bogu at totoong rattan sticks, ngunit masakit kapag tinamaan, dahil sa ang Kendo Bogu ay hindi kayang mabawasan ang impact ng palo gamit ang rattan sticks, at lubhang sayang lamang ang Bogu kapag nasira dahil sa mga patama ng rattan sticks, nang mga panahin na iyon ay wala pang internet para mag-order online from Japan. Kung gusto mo magkaroon ng Kendo Bogu ay kailangan mo pa na pumunta sa bansang Japan upang makabili nito.

Batay sa karanasan at observation ng may akda ng essay na ito, at ayon din sa narratives ni GM Rene Tongson, ang padded stick ay nagsimulang mainbento mula sa pagnanais na magsagawa ng freestyle sparring ng may proteksyon sa mga manlalaro. Ang mga protective gears sa baseball ay nagbigay kay GM Ernie Presas at GM Rene Tongson kung paano mag-innovate nito. Ang padded stick ay nagsimula sa isang regular na arnis rattan stick na binalutan ng rubber tube na ginagamit sa airconditioning, ang kasalukuyang protective gears ay nagmula sa paggamit ng kendo face guard, baseball chest protector at shin guards mismo na ginagamit sa baseball.


Kalaunan ang padded stick na gawa sa binalot na rattan stick ng rubber tube ay ipinagawa nila sa mga mananahi sa Raon, kay Mang Rollon na kilalang mananahi ng mga martial arts uniform noon sa Quiapo Manila. Ito ay binalutan nya ng tela, at ayun…..simula ng pagkakaroon ng padded sticks.


Early type of Padded Stick for Sparring


Ang padded stick na nainnovate nila ay unang ginamit sa isang seminar ng Modern Arnis sa Australia noong 1986, at pormal na ginamit sa 1st Arnis World Championship noong 1989 na ginanap sa University of the Philippines, ito ay nilahukan ng mga arnisadores mula sa ibang grupo maliban sa grupo ng Modern Arnis, at mga dayuhan mula sa iba’t ibang bansa.

 

Mga iba’t ibang Improvization

         Ang padded sticks noon ay hindi commercialized at hindi makakabili basta-basta kung saan saan, ito ay nangngailangan ng customize at pondo para makapagpagawa kay Mang Rollon. Kaya’t may ilang materials na ginamit o improvised para magsagawa ng freestyle sparring. Nandiyan ang paggamit ng nirolyo o rolled na newspaper na gagamitin sa sparring ng walang protectors, ngunit masakit, mas manipis ang newspaper na rolled ay mas magaan at madaling masira, mas makapal naman ay mas masakit din naman. Nandiyan din na ginamit ang empty bottle ng softdrink na 1.5-liter bilang kahalili ng padded stick. Kalaunan kinailangan din talagang magpagawa ng padded stick, at dumami na ang gumagawa nito sa Raon, alam naman natin na magkakalapit lang ang mga mananahi kaya’t hindi maiiwasan ang kopyahan ng produkto. Hanggang sa nagkaroon na ng commercialized padded sticks na nabibili sa mga sports shop.

 

Pool Noodle as Arnis Sparring Stick

             Bukod sa pagtuturo ng arnis bilang physical education, nangangailangan din minsan na ituro ang competitive arnis, ngunit problem anito ay ang kailangan may padded sticks  at mga protective gears na commercialized. Kaya’t isang limitasyon sa pagtuturo ng arnis bilang PE na nakatuon lamang sa mga fundamentals gaya ng stances, sinawali drills, anyo, at basic offensive and defensive techniques. Ngunit sa level ng college physical education ay mas mainam kung idadagdag ang ilang practices ng sports arnis upang mas maunawaan ng students ang mga mahahalaga at practical na bahagi ng kanilang mga natutu nan. Iba rin ang maidudulot ng sports arnis kaysa tipikal na arnis training na limitado sa pag-aaral ng artistic nature nito.

Mga taong 2012, pinasimulan ng may akda ang paggamit ng pool noodle na gamit sa sparring ng arnis sa mga mag-aaral ng PE. Ang ideya na gamitin ang swimming noodle bilang alternate sa padded stick ay nagsimula ng taong 2007 kung saan ang may akda ay nangailangan ng padded stick at arnis protective gears na gagamitin ng kanyang mga foreign students na tinuruan niya ng arnis sa Middle East, dahil wala nito sa Middle East ng mga panahon na iyon, may mga available na pool noodles at pinutol ito sa haba ng 28 inches upang magamit sa sparring ng mga students kahit walang protective gears. Alas, napakagandang ideya, ligtas na sparring at walang kailangang protective gears, ayun nga lang ay mas malabot ito kumpara sa commercialized padded sticks.

 

Cavite State University students using pool noodles as arnis sparring sticks

Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy naming ginagamit ito, ang pool noodle bilang gamit sa arnis free sparring ng mga mag-aaral. May ilang nagsasabi na hindi magandang gamitin ito kaysa sa padded sticks, ang mga komento na ito ay mula sa mga arnis players. Totoo walang fear of pain, pero mas ligtas ito kung ang magsasagawa ng free sparring ay mga tipikal na students sa PE at hindi naman talaga arnisador or varsity athletes sa arnis. Pero ito ay nagbibigay sa kanila ng karanasan na makipaglaban sa kapwa students na manalo sa pagkuha ng puntos sa pamamagitan ng attack o counter-attack. Maranasan nila ang excitement, ang determinasyon, ang correct decision making sa pagsasagawa ng attacks, counter-attacks. Lalu na ang mga social skills na madedevelop sa kanila sa gaya ng self-control upang mapigilan nila ang sarili sa maling techniques na gagawin nila, responsibility kung ano ang kailangan niya gawin sang-ayon sa plano nila ng kanyang coach, at empathy na nagbibigay pagkilala sa magiging emotion ng kanyang kalaban at mararamdaman nito kung hindi isasaalang alang ang pagpatama sa kalaban.

Ang paggamit ng pool noodle bilang sparring stick sa arnis ay layunin lamang na maging kasangkapan na educational sa mga mag-aaral, hindi upang palitan ang halaga ng padded sticks sa sports arnis.

 

 

 

 

Joel D. Anajao

January 17,2025

 


Comments

Popular posts from this blog

Duelo and Filipino Martial Arts

Philippine Mountaineering of 80s and 90s

Arnis de Mano: Laro ng mga Maginoo