Relevant Kata Practice

 

Praktikal na Pagsasanay ng Application ng Karate Kata

Ni Joel D. Anajao

 

Kung papanoorin mo ang isang karateka na nagdedemonstrate kung paano talunin ang attacker sa pamamagitan ng mga kahanga-hangang galaw ay maeengagnyo ka na magpractice nito. Ngunit sa kung tayo naman ay makakapanood ng mga combative professional fights ay parang masasabi natin na parang magkaibang mundo ang napanood natin, isang karate demonstration na kahanga-hanga at isang full contact na madugo. Mapapatanong tayo kung, “teka, paano nga ba, magagamit ang mga formal katas sa isang totoong sitawasyon na kung saan ang attacker ay may intensyong saktan tayo at ito ay hindi natin alam kung paano siya aatake?”

Ang kata ay sinasabing puso ng karate training, ang pagtatanggol sa sarili, maliban sa pagdevelop ng mga desirable social traits gaya ng disiplina, paggalang, mabuting pakikisalamuha sa lipunan. Ang kata ay sequences ng mga offensive at defensive maneuvers ng basic techniques sa isang formal na pamamaraan at may pagkakasunod-sunod. Mula sa mga Katas ay naituro ang mga basic techniques ng karate gaya ng mga stances, striking, blocking, at kicking techniques. May mga kata na simple lalu na ang mga pang beginners, mayroon kahanga-hanga, may mahabang kata. Lalu na sa ngayon, sa larangan ng sports karatedo, kung saan ang mga baguhan ay nagpeperform ng sinasabing ‘mataas’ na kata, dahilan sa ito ang isang paraan upang makapanalo sa competition maliban pa sa mga criteria ng pag-evaluate ng kata performance.


Ang pamantayan sa paghatol sa kumpetisyon ng Kata ay karaniwang nakatuon sa teknikal at athletic na pagganap, kabilang ang mga aspeto tulad ng accuracy, timing, bilis, lakas, at balanse. Sinusuri din ng mga judges ang pangkalahatang impresyon, tinitiyak na ang kata ay nagpapakita ng lakas, ritmo, at malinaw na pag-unawa sa mga galaw. Maaaring kabilang sa mga karagdagang pagsasaalang-alang ang kahirapan ng kata at ang pagpapakita ng pakikipaglaban ng katunggali.Ngunit sa punto de vista ng traditional karate, ang kata ay higit pa sa pagpapanalo ng competition, ito ay paghahanda sa panahong kailangan ipagtanggol ang sarili at kung paano magiging responsableng kasapi ng pamayanan.

Ang mga sumusunod ay tips kung paano ba magpapractice ng kata na ang tuon ay ang self-protection:

 

Blocked and Random Practice

 

Maliban sa common practice methods ng kata, at ng traditional and format practice ng application nito na one-on-one, kung saan may nakatalagang defender (Uke) at attacker (Seme). Ipractice ang application sa isang ay maraming beses na uulitin ang isang application, ito ang tinatawag sa Sports Science na Blocked Practice Method upang maging bahagi ng motor pattern ang natural na response ng katawan sa isang stimuli gaya ng particular na uri ng attack.

Kapag may sapat ng memory ang katawan kung paano magreresponse sa isang uri ng attack, ay mas maiging isagawa din ang Random Practice ng application ng Kata, ito ay kung saan ang attacker ay magsasagawa ng iba’t ibang attacks sa particular na sequences ng practice. Ito ay upang magamit ang mga natutunang motor pattern ng self defense techniques sa isang hindi nakasequence na uri ng attack.

 

Practice the Application Against How a Real Attacker Attacks

         Karaniwang makikita natin ang dalawang karateka na nagpapractice ng application ng kata na ang defender (Uke) ay nakaready stance laban sa attacker (Seme) na nakaporma ng pag-atake na karaniwan ay naka chamber ang attacking hand upang magpakawala ng suntok o sipa sa defender. Ito ang karaniwan at very elementary, sabi nga ng isang fight analyst na “let the attacker attack from non-traditional posture and attack not like basic karate punch."


Dahilan sa ang tunay na attacker ay hindi naman susuntok na naka hikite (chambered) ang kamay. Dynamic ang nature ng pag atake, nandiyan ang bigla na lang magsasagaw ng suntok, pagsipa, at saksak sa di inaasahang posisyon ng attacker, mayroon din na mobile ang galaw ng attacker upang takutin o lituhin ang defender. Magsanay ng application ng kata sa ganitong mga sitwasyon.

 

Practice the Application Wearing Everyday Apparel

              Ang self -defense situation ay posibleng mangyari sa anumang oras, sa oras na tayo ay naglalakad sa kalye, nasa trabaho, nasa bahay, naliligo, o natutulog. Mahalaga na magpractice din ng kata sa formal na pamamaraan ng hindi suot ang keiko gi. Mas maigi rin na magasanay ng Blocked at  Ramdon na naka civilian attire.

 

Practice the Application of Kata in a Natural Environment

         Karaniwang nagpaparactice ng kata sa ‘Dojo’ o anumang plain na indoor o outdoor na facilities. Mas Maganda rin kung magsasanay ng Kata sa formal na paraan sa iba’t ibang environment, gaya ng damuhan, mabatong lugar, hindi pantay na terrain, masikip na lugar. Mas mainam din naman kung magpractice ng Kata sa Blocked at Random, at free movement na paraan sa mga ganitong natural terrain. Dahil ang pagtatanggol ng sarili ay hindi nangyayari sa training hall kundi sa mga karaniwang terrain na ginagalawan natin.

 


Practice the Application Against Resisting Attacks

 

Higit sa lahat mas efficient kung magpapractice ng application ng Kata sa isang partner na nagreresist, yun bang pagkatapos ng kanyang unang attack, ay maiilagan niya ang iyong ‘self-defense counter attack.’ Sa tipikal na practice ay natatapos ang application kung saan ang defender ay naiwasn o nasangga ang attack, ngunit ang attacker ay nag-iisip, nagpaplano, at may kasanayan manakit kahit hindi nag-aral ng martial art. Maisasagawa ito ng may sapat na protective gears ang attacker at defender sa dahilang ang attacker ay magpapakawala ng suntok o sip ana may lakas at hindi alam ng defender ang mangyayari attacks.

 

Learn Other Martial Arts

           Sa aking ilang dekada na pag-aaral ng martial arts, mas lumawak at lumalim ang aking pag-unawa sa technical, tactical at philosophical na katangian ng bawat techniques ng Kata. Mas mainamm kung maglalaan ng panahon na matuto ng grappling arts, hard contact striking art, weapon-based martial art, at maging sa mga makabagong firearms skill. Ang pagtatanggol sa sarili ay hindi nakabatay sa pagiging purist o loyal sa isang style, mahalaga ang practicalidad at effectivity ng isang self-defense skill. Ang mga kasalukuyang traditional martial arts ay naging cultural capital ng ilang grupo o pamilya na namamahala ng isang uri ng martial art. Ngunit tiyak na ang mga sinaunang martial artists ay mas pumapabor sa effectivity kaysa sa loyalty at style. Mas marami kang natutunan mas nagkakaroon ka ng isang kabuuang pagtanaw at pag-unawa kung paano magreresponse sa isang self-defense situation, huwag lamang matrap sa “paralysis by analysis” kung saan sa sobrang pag-iisip ay hindi kana nakagalaw ng tamang response sa isang situation.

 

 Panghuli

             Ang Kata ay isang art at diksyonaryo ng mga self-defense techniques na nabuo mula sa karanasan, pag-aaral, at konsepto ng mga naunang nagbuo nito. Sa kasalukuyan ang Kata ay isang bahagi rin ng athletic competition, ngunit hindi natin dapat baliwalain ang tunay na layunin ng pagpapractice nito, ang pagtatanggol sa sarili. Ang mga practical at napapanahon na mga paraan ng pagpractice ng mga application nito sa isang tunay na konteksto ng self-defense ay pangangailangan upang hind imaging isang art at competitive skills lamang ang Karatedo.

 

 

 

 

 

July 17, 2025

Matapos magpractice ng Goju Katas

Indang, Cavite

 

Comments

Popular posts from this blog

Duelo and Filipino Martial Arts

Philippine Exercise and Sports Sciences

Innovation of Arnis Sparring Stick